bago ang labanan sa literatura
hinanda ko ang aking sandata
naupo sa dalampasigan, nakahaba ang mga paa
"kinukuyumos ko ang mga buhangin
habang lumalamyos sa aking mga binti
ang mga along sing banayad ng mga ulap
habang utay-utay ang pag-ukit ng liwanag
ng araw sa aking mukha
isang umagang makintab na kahel ang kalangitan
kinakandili ako ng hangin,
ng ampiyas, ng talsik na maalat
tinutunaw ako ng ginaw
kasabay ng melodiya ng mga alon
at kalansingan ng mga bato at bugitis
ang aking mga mata’y kusang puminid
at umaapaw na mga panaginip
mula sa tunog na ikinubli sa syudad
ang ibinuhos sa akin ng malikot na dagat"
pinatakbo ko ang aking lapis
sa munting kwadernong aking bitbit
sing bilis ng buhos ng mga alaala
nangalap ako ng mga pangarap
humabi ako ng lambat
lambat ng pag-asa, lambat ng buhay
sa pusod ng dagat.
*bugitis- shell, yung maliliit na kabibe, pang aquarium
No comments:
Post a Comment